Bilang isang kabataan, anak, mag-aaral, kaibigan, at mamamayan, mahalaga na tayo ay mulat sa mga suliranin ng ating bansa. Ang pagkakaroon ng pakialam sa mga nangyayari sa lipunan ay inaasahan sa ating mga kabataan, ang susunod na henerasyon na magtataguyod sa matayog at maunlad na bayan.
Kilala ang ating bansa sa gandang taglay nito, mula sa mga tanawing kaakit-akit, mga pagkaing pagkasarap-sarap, at kasaysayang tumatak sa bawat bahagi ng bansa. Ang pagpupunyagi at pagsisikap ng bawat Pilipino ang nag-angat at nagpaganda ng kanyang buhay. Ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang pinakamagandang regalo na ating matatanggap, ang ating kapwa at ang mundo. Tulad na lamang ng nakasaad sa bibliya, Nilikha ng Diyos ang tao para pangalagaan ang kalikasan at isa't-isa. Nabuo ang mga pangkat ng tao, nagtatag ng mga lungsod para sa maayos na pamamahala at pagtataguyod ng pantay-pantay na karapatan ng bawat mamamayan. Likas na sa ating mga Pilipino ang pagiging matatag sa anumang problema na ating kakaharapin. Hindi tayo nagpapadaig sa mga taong pilit tayong hinihila pababa. Lumalaban tayo kaysa nagpapatalo.
Bilang kabataan, may mga bagay na hindi natin kayang gawin, dahil hindi sapat ang ating karanasan at kaalaman sa buhay na puno ng pagsubok. Gayunpaman, hindi dapat nawawala ang ating interes na alamin ang mga suliranin ng ating lipunan. Mga problemang hindi masolusyunan at nag-iintay lamang ng kasagutan at resolusyon. Hindi natin maitatago na maraming suliranin ang kinakaharap ngayon ang ating bansa, tulad na lamang ng mataas na kakulangan sa suplay ng mga pangangailangan ng bawat mamamayan, mataas na antas ng korapsyon, kahirapan at talamak na paggamit o pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Ang mataas na kakulangan sa suplay ng pangangailangan ay suliraning maaring mabigyan ng solusyon. Ang hindi wastong paggamit o pag-aaksaya ng mga produkto ay mayroong malaking epekto sa ating lipunan. Marami ang magdurusa dahil sa kakulangan ng pondo na nakalaan para itustos sa mga nangangailangan. Hindi mabibigyan ng sapat na tulong ang bawat pamilya. Kaya bilang isang kabataan, kailangan nating maging maingat sa mga bagay na ating ginagamit. Higit itong makakatulong sa ating sarili at sa ating pamilya. Mabuti rin na maging masinop sa mga bagay na ipinagkaloob sa atin ng kapwa at ng pamahalaan.
Ang mataas na antas ng korapsyon ay nagdudulot ng kahirapan. Habang ang mga sakim na politiko ay nahihiga sa limpak-limpak na pera na kanilang nanakaw mula sa taong-bayan na kanilang niloloko kaysa paglingkuran, naghihirap naman ang mga mamamayan at minsan pa ay kumakapit sa patalim para makaahon sa kahirapan. Lingid man sa ating kaalaman kung paano nangyayari ang mga imoral na kilos na ito ng mga sakim na politiko, lubos naman nating alam kung paano sila pagbabayarin ng Diyos, na siyang may karapatang maghusga sa mga may kasalanan. Ngunit hindi dapat tayo pumapayag na ang mga magnanakaw na ito ang magtatakda ng ating kinabukasan, ipaglaban natin ang mga bagay na ipinagkakaloob at nakalaan para sa atin.
Shabu, Marijuana, Heroine; ilan sa mga ipinagbabawal na gamot sa ating bansa. Kahit pa man hindi ito legal o maaring gamitin, marami pa rin ang piniling suwayin ang batas. Sa katotohanan, halos daan-daang libong Pilipino ang gumagamit nito. Nakakalungkot lamang na marami ang pumili ng mali kaysa sa tamang tunguhin ng buhay. Nagdulot narin ang problemang ito ng karahasan, tumapos sa buhay ng ilan at nag-iwan ng mapait na alaala. Bilang isang kabataang alam ang dulot nito, nararapat na hindi tayo maging interesado sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Tulungan din nating ang ating kapwa na maging bukas ang isip sa suliraning ito. Mabuti na ipagbigay alam natin sa awtoridad kung may kahina-hinalang pangyayari sa ating kapaligiran.
Ang kabataaang bukas ang isip sa mga suliranin ng lipunan ay isang mabuting tao. Ang Pilipinong may malasakit sa kanyang bansa ay dapat ipagmalaki ng kahit nino man. Isa siyang kabataang mag-aangat sa kagitingan at kabutihan ng mamamayang Pilipino, ipapakilala niya ang Pilipinas bilang isang maunlad at makapangyarihang bansa.